"Parang tiwala
pag namantsahan na!
Mahirap nang linisin pa,
di kayang burahin
Kahit na anong gawin...!"
Isa ito sa mga paborito kong linya sa kanta ng Parokya ni Edgar, "Choco Latte". Tungkol ito sa isang bagay na dapat ay pinaka-iingat-ingatan natin lahat: TIWALA.
Naalala ko isang tahimik na gabi habang nagbabasa ako sa aking maliit na cotbed sa isng barko patungong Zamboanga (ayan, kwentuhan muna tayo)... Habang hinihintay na magsimulang tumulak ang barko, naisip kong bumili ng ilang makakain (pabaon). Dumaan yaring bata na nagbebenta ng sari-saring pagkain, Itlog at Junay*, Patulakan at Daral (mga tausug foods), tsaka sari-saring botelya ng mineral water, "Sting" at kalamansi juice. Bumili ako sa kanya ng ilang pagkain na hindi siguro umabot ng 50peso na halaga, at binigyan ko siya ng 200peso na pera, pambayad. (kayo na bahala sa Mathematics)
"kah wayruun kanat-kanat mu?" nagtanong siya kung may barya ba ako na mas maliit sa 200.
"Anduh, wayruun na utuh." wala rin akong dala na 50pesos o kahit 100 man lang.
"Tagad kah a." sinabihan niya ako na maghintay at hindi siya nag-atubili na iniwan ang lahat ng kanyang paninda sa tabi ko. Naghanap siya sa mga kasama niya nang panukli, at ako naman ay nagbantay sa kanyang munting mga paninda. nawala na siya sa paningin ko.
OK lang siguro sa akin kung hindi na niya iniwan ang mga gamit niya (baka may magkamali at magbili pa sa akin)...
Mai-intindihan ko rin kung hindi na siya bumalik at kinuha na ang sukli. (kahit medyo masayangan din naman ako dun. 200 yun pare. hehe)...
At marahil hindi na rin siguro ako mag-aatubili na hanapin at habulin siya. O di kaya magsumbung pa sa mga pulis, (paalis na rin kasi ang barko eh.)...
Jackpot na siya kung tutuusin...
Pero hindi eh. Hindi niya iyon naisip man lang. Hindi yun ang ugali niya. Hindi siya ganoon pinalaki ng kanyang mga magulang...
Ang walang kamuwang-muwang na batang iyon, na marahil ay mas nakaranas na ng mas maraming paghihirap kesa sa akin; isang batang hindi pinapansin ng karamihan sa atin; ay mas pinili ang maPAGKATIWALAN siya ng iba. (sino pa ba sa atin ang magsadyang iwan ang kanyang mga paninda upang masigurado ng mamimili na ikaw ay babalik pa)
At ako ay nagTIWALA sa kanya. (drama? oo na)
Ilang minuto at bumalik siya likom-likom sa kanyang mga maliit na kamay ang binaryahang sukli na kanyang nahiram na kung kanino mang magtitinda din...
Sabay ngiti ay sinabi niya "Yari na kah in hulug niyu," ("sukli niyo po, Kuya).
Ako'y Ngumiti na may kasaling pamamangha sa dignidad ng batang ito.
Marahil isa nga itong pangkaraniwan lang na mga pangyayari sa buhay ng bawat isa sa atin.
Marahil ay sumobra na naman ang pag-iimahinasyon ko sa buhay.
Marahil oo inaantok lang siguro ako nung gabing iyon.
Ngunit ilang beses nga ba natin sinubukang tingnan ang kabuuhan ng mga pangyayari kagaya nito..?
Isang paalala sa kahalagahn ng Pagiging MAPAGKATIWALAAN at ang PAGTITWALA sa iba.
Kakatapos lang ng SONA ng Presidente ng Pilipinas kahapon. (July 25, 2011, 3PM). Ang Tiwala na mayroon ang mga tao sa kanya (mga Pilipino man o hindi), sa loob ng isang taon ay siguradong nag-iiba sa bawat mamamayan. Mayroon sa kanila ang nawalan na ng Tiwala pagkatapos mamantsahan ang mga ito sa mga pagkukulang niya (andami ngang nagrally kahapon eh). Ang iba naman ay nanatiling matatag at may tiwala sa kanya.
(Ako? hindi ako sasali diyan sa dalawang rason: una, hindi ko napanood ang SONA at hindi ko pa siya nabasa. Ikalawa, magtext kayo sa akin kasi PRIVATE na yun. :-D )
Balikan natin ang batang nagbebenta ng Junay...
Iilan ba sa atin ngayon ang may ganitong pag-iisip at pag-aasal;
Iilan na nga lang ba sa ating mga pinuno ang maituturing na MAPGKAKATIWALAAN pa? Dayaan sa Eleksyon; pagbenta ng mga boto; illegal na pagpatay sa mga manunulat (journalists); ilang mga hindi mahustisyang pagnanakaw sa pera ng mga mamamayan; pagbintang at paghuli sa mga inosenteng mamamayan; walang hustisya sa mga mahihirap; puros salita tuwing eleksyon, nawawala parang bula sa mga ganitong panahon... nasaan na ang TIWALA dito?
Isang malaking corruption ang pagnanakaw ng pera ng mamamayan. Ano na lang kung nanakawin mo pa ang Pagtitiwala nila?
Kung kaya ng batang ito ang magtayo ng sarili niyang dignidad; sa isang kapirasong tiwala...,
Bakit ba napakahirap sa atin ang gawin din yun?
(Ramadhan Kareem !)
Salam Kasilasa,
Anak iluh
Comments