Bismillah. Isang araw, palakad-lakad siya sa daan at lingid sa lahat ang kanyang pinagdadaanan. Palakad-lakad lang siya at hindi inaalintana ang mga nagraragasang mga dyip at ang mga nag-uunahang mga tao na tila nagkakarera. Abalang-abala ang lahat sa kani-kanilang mga patutunguhan, ayaw mahuli sa trabaho; ayaw mahuli sa pasukan sa eskwela; at ni isa sa kanila hindi nakapansin sa kanya. Ngunit siya ay palakad-lakad lang,din, hindi alam kung saan patutungo. Huminto siya at nagmasid sa kanyang kapaligiran. "Ano ba to?" naisip niya, "Bat ba ang bilis-bilis ng mga tao dito?" Maya-maya pa ay narinig na niya ang tunog ng kanyang lalamunan. Gutom na pala siya. Isinuksok niya ang kanyang kamay sa kanyang bulsa, umaasang may mahanap na mga barya pambili ng makain. Suksok sa kanang bulsa. Walang laman. Suksok sa kaliwang bulsa. Wala rin. Suksok sa dalawang bulsa ng pantalon sa likuran. Wala talaga. "Paano ba yan," sabi niya sa hangin na tila kinakausap...