A tour Around Jolo, Sulu

Image
  Assalamu Alaykum! (Peace be with you!) I just realized... I haven't talked much about my videos about Sulu in this blog. I have a playlist which you can watch if you are interested in seeing (or maybe visiting?) my dear homeplace.  Just check it out here: JOLO, SULU PLAYLIST You can watch this instead:      Yup, that is all for today.   PS. I am mulling over the idea of transferring my blog from blogspot to wordpress...  hmmmmmm    

Lubog na po ba ang Araw?

Subtitle: "Ang Kwento ni Kristina"
Story by Ahmad Musahari, Photos by Kartini Tahir

"Kuya, lubog na po ba ang araw?" Ang tanong niya sa akin...

 Bismillah.

Minsan sa ating buhay, kelan ba tayo huling naghintay ng paglubog ng araw?
Kelan ba tayo huling nagtaka bakit ang bagal minsan ng oras at minsan nama’y sadyang kay bilis nito?
Ilang ulit ba natin hiniling na sana ay matapos na ang isang nakakapagod na araw? 
Na sana ay tuluyan na tayong makauwi sa bahay at makapagpahinga na sa kubli ng luntiang gabi? 


Si Kristina

Ito si Kristina o Tin-Tin. Sampung taong gulang na bata na naninirahan sa may Pasay. Una namin siyang nakilala nung bumisita kami sa UP Diliman. Lumapit siya sa amin ng kaibigan ko upang bentahan kami ng kanyang panindang pantali ng buhok (na tig-sampung piso isa) at payong (2 makukulay na payong; di ko na natanong kung magkano isa).

Dun din siya nagsimulang magtanong sa amin.

“Kuya, yan po ba ang araw?” sabay turo sa may maliwanag na bahagi ng langit na natatabunan ng mga makulimlim na ulap.

“Oo. Pero di natin makita kasi nga maulap ngayon” sabi ko.

“Aah. Pag-umabot na po ba siya dun eh gabi na?” (turo naman sa medyo mababang bahagi ng langit).

“Uhm, Oo. Pag dumilim na, gabi na nga. Bakit may hinihintay ka ba?” sabi ni Kartini na kasama ko.

“Wala naman po…” tumingala siya sa langit kung saan banda ang araw ay nagpupumilit na magliwanag kahit na ito’y natatakpan ng makakapal na ulap. “Di po ba iikot yung araw dun, tapos babalik na naman ulit bukas? Nabasa ko yun sa libro.” At ngumiti siya sa amin.

 Sa kaunting pag-uusap pa, nalaman namin na nasa grade four na siya. Patay na ang parehong nanay at tatay niya nung “baby” pa daw siya. Yung lola nila ang nagpalaki sa kanila ng kuya niya. Patay na rin lola niya ngayon kaya dalawa na lang sila ng kuya niya (13 taong gulang) ang magkasama sa bahay nila. Pero ang mas masaklap pa dun eh sa susunod na araw ide-demolish na daw bahay nila. Ang lungkot ng kwento niya. Wala akong magawa kundi ang makinig na lang at maging isang kaibigan kahit sa mga sandaling iyon man lang…

Unti-unting namuo ang aking paghanga sa batang ito. Marahil oo, nakakaawa ang kalagayan niya, ngunit mas nakakahanga na sa kabila ng lahat ng iyon ay nagawa niyang tumayo sa kanyang sariling mga paa. Hinarap niya ang mga pagsubok na iyon ng may tapang sa napakamurang edad. Ilan nga ba sa atin ang nakayang subukin iyon?

“Lubog na po ba ang araw?”


Sinamahan namin siya maglakad-lakad at sakaling makahanap ng mga bibili ng paninda niyang mga pantali ng buhok at payong. Habang naglalakad ay lumapit siya sa akin.


“Kuya, lubog na po ba ang araw?” ang biglang tanong niya.
Si Tin-Tin at ang kanyang "costumer"

“Huh? Hindi pa ata, kasi maliwanag pa naman.” Sabi ko. Nagtaka ako kung bakit niya tinatanong palagi kung lubog na ba ang araw. Pero di muna ako nagtanong kung bakit… Sino ba naman ang makikialam pa kung lulubog na nga ang araw? Eh ganun na talaga yun. Lulubog ang araw pag gabi na, at sisikat itong muli sa susunod na araw: hudyat ng isang panibago na namang simula.

Masaya siyang naglalakad kasama namin ni Kartini. Kung may nakikita siyang mga nagpapahinga sa may bench nilalapitan niya; kinakausap at binebentahan ng mga pantali. Minsan kagagaling niya lang sa isang “costumer”, nagtanong siya ulit sa amin:

“Hindi pa po ba lubog ang araw?”

“Hindi pa…” sagot naman namin habang nagtataka kung bakit masyado niyang inaalala ang paglubog ng araw. Kaya nagtanong kami, “Bakit mo ba palaging tinatanong kung lubog na ang araw?”

Doon ko napansin ang paglaho ng kanyang musmus na ngiti at napalitan ng napapagod niyang mga mata na noo’y tinatago niya pala sa amin kanina

“Kasi ho, kailangan makaabot ako ng P300 bago lumubog ang araw. Kundi, pagagalitan ako ng kuya ko…”


:-(

Si Kristina at ang Oblasyon

Nakaupo kami noon sa may hagdanan nagpapahinga.

“Ob-La-Syon.” Pabigkas niyang binasa ang nakapaskil sa may pantalan
“Ah! ito pala ang Obleysiyon!” galak na galak niyang sinabi sa amin ang kanyang nadiskubre. “Eh sino naman po yan?” (sabay turo sa istatwang kilalang-kilala nating lahat. Nasa may Oblation pala kami noon, nagpapahinga…)
Si Oble (at ang makulet na ibon)

“Yan si Oble,” pabiro kong sagot. 

“Palagi akong dumadaan dito pero di ko alam bat andyan siya… Bakit po ba siya nakaganyan?”

“Alam mo kung bakit? Kasi may hinihintay siya. Hinihintay niya ang pagbagsak ng ulan, kasi mahilig siyang maligo sa ulan…”

“Aaah. Ganun po ba? Kala ko patay na siya eh.” (ayan may naloko na naman akong bata. Mga kapatid, wag niyo to tularan…)

“Biro ko lang yun. Hehe. Ganyan na talaga siya. Yan ang istatwa ng UP.” Hindi siya tumawa. Parang mas gusto niya ata ang una kong sagot…

“Ano ka ba Ahmad,” sabi ni Kartini sa akin, “Wag mo ngang lokohin yung bata.”

“Sabi ko nga biro lang yun. Di bale, iba na lang itatanong ko… Tin-tin, ano ba gusto mo maging paglaki mo?”

“Huh? Ako po?”

“Oo. Ano pangarap mo?”

Napaisip siya… ilang saglit lang saka siya sumagot sa tanong ko.
“Wala po. Wala akong pangarap.”

“Eh? Hindi pwede yan… Dapat may pangarap ka. Dapat may gusto kang makamit sa buhay. Masarap mangarap Tin-tin. So ano ba gusto mo paglaki mo? :-)”

“Hmm” napaisip siya ulit (ang kulit ko kasi), “Gusto ko maging mayaman” (sabay todo ngiti sa akin).

“Aaah. Gusto mo maging mayaman? Sige, magiging mayaman ka rin balang araw.”

“Gusto ko rin maging katulad niya” may tinuro siya sa likod ko. Nilingon ko kung sino ba gusto niya maging katulad balang araw.

“Ah, sila ba? Gusto mo maging katulad nila? Mayayaman at may magagandang damit?” May mga “tourista” kasi na nagpapa-piktyur kay Oble. Akala ko yung mga studyanteng yun ang gusto niya maging.

“Hindi… Gusto ko maging katulad ng mama na naghihintay ng ulan.”

Si Oble pala.

Gusto niyang maging katulad ni Oble.
Na nasasabik sa paparating na ulan…
At hindi sa maagang paglubog ng araw…

                                                                      ====



Ito ang kwento ni Kristina. Isang pangkaraniwang bata na may pangkaraniwang kwento.
Isa lang naman siguro gusto naming iparating sa pamamahagi ng kwentong ito.

Pakinggan natin ang kwento ni Kristina at ang mga batang katulad niya. Marami tayong matututunan kahit sa pakikinig man lang.

Magpasalamat din tayo sa may Lumikha sa mga biyayang ating natanggap, at di na tayo nakaranas ng gaanong paghihirap sa buhay.

Magpasalamat tayo na may sarili pa tayong mga oras na magagamit sa ating pangaraw-araw na buhay. At di na natin kailangan itanong pa, kung kalian nga ba lulubog ang araw?

                                                        ====== Wakas =====




Tungkol sa may akda:

Si Ahmad ay isang mag-aaral sa UP Manila College of Medicine. Galing siyang Sulu. Si Kartini naman ay isang Intern sa Congressional Internship for Muslim Young Leaders (CIPYML) na programa ng USAID at ng House of Representatives. Galing naman siya sa Tawi-Tawi. Pareho nilang pangarap mag-aral sa UP Diliman.  Pareho silang nangangarap na magkaroon ng mas maunlad na komunidad sa kanilang mga probinsya.

Ang mga litrato dito ay pag-aari ni Ms. Kartini Tahir.


Si Ahmad, Si Kartini at ang ating bida, si Kristina.


P.S.

Nung pauwi na kami ni Kartini, kumain muna kami ng ice cream kasama ni Kristina… Eto ang huli niyang sinabi bago kami nagkahiwalay:

“Salamat po talaga. Ang bait ninyo pong dalawa (ehem.ehem) kasi naalala niyo pa rin pangalan ko.” (yung iba kasi sa atin ni hindi nga kumakausap sa kanya, yung pangalan pa kaya niya malalaman natin?) Tinanong niya kami kung ano mga pangalana namin, pagkatapos sabi niya (sabay ngiti)…

“Ido-drawing ko po kayo! Tapos ilalagay ko dito sa may mga poste para makita niyo.” :-)

Hehe. Ang sweet ng batang yon.


Kaya kung sakaling may makakita man sa inyo ng pang-Grade4 na drowing sa mga poste diyan sa UP Diliman, pls do contact us po. Hehe. Salamat … :-D

Comments

Unknown said…
ang sweet naman ni kristina :)
sana balang araw, yung kasipagan niya, masuklian din ng kaginhawaan!
saludo ako :D

Popular posts from this blog

Applying to UP College of Medicine

Sulu Hidden History: the Spanish-built Walled City

The May 1 Tuli Mission